Kinaantigan ng netizens ang tagpo sa "Parents Day" ng isang paaralan matapos magmagandang-loob ang isang guro na tumayong magulang sa isang babaeng estudyante na naiwang mag-isa sa upuan dahil hindi nakapunta sa naturang okasyon sa paaralan ang kaniyang mga magulang o kapamilya.
Sa For You Page ng GMA Public Affairs, sinabing ilang araw bago ang graduation day, nagdiwang ang eskuwelahan ng Baccalaureate Mass kasama ang mga magulang ng mga estudyante.
Mapapanood sa video ng guro na si Charlotte Mallo-Castro, na nagtayuan na ang mga estudyante mula sa kani-kanilang upuan nang sabihan na lapitan na ang kani-kanilang mga magulang. Ngunit ang isa niyang estudyante, naiwang mag-isa sa upuan.
Makikita ang naturang babaeng mag-aaral na palingon-lingon na mistulang hindi alam kung saan siya pupunta.
Umiling din ang estudyante nang tawagin ni Teacher Charlotte, at mababakas ang lungkot sa kaniyang mukha.
"Siya na lang ang naiwan doon sa may upuan. Lahat ng mga katabi niya pumunta na lang doon sa likod kasi nandoon ang parents nila," sabi ni Teacher Charlotte. "Nag-umpisa na, iyak na siya nang iyak."
Nang makita siya ni Teacher Charlotte, hindi siya nag-atubiling tumayo munang magulang ng bata.
"Malungkot na malungkot 'yung mata niya. Kita mo pagtawag ko sa name niya, pagtingin niya sa akin, umiyak talaga siya kasi malungkot na malungkot siya. 'Yun lang, hinug (hug) ko na siya, sabi ko 'Hali ka rito. Hug kita,'" anang guro.
Hanggang sa bumuhos na ang luha ng estudyante habang mahigpit na niyayakap si Teacher Charlotte.
"Nag-umpisa na siyang umiyak nang humagulgol talaga ng iyak. Mapi-feel mo 'yung pain niya," sabi niya.
Ayon kay Teacher Charlotte, limitado ang kanilang nalalaman tungkol sa personal na buhay ng estudyante.
Sa kabila nito, nagpahatid naman ng mensahe ng pasasalamat sa kaniya ang ama ng estudyante dahil sa kaniyang ginawa.
Ayon kay Tatay Edmar Bionat, na ama ng estudyante, nasa malayong lugar siya noong araw na iyon para magtrabaho.
"Nagkataon lang na malayo 'yung biyahe ko. Tinawagan ko naman doon 'yung mga kapatid niya pero hindi nakauwi kasi nagtrabaho rin sa GenSan. 'Yung lola niya sana ang a-attend kaso medyo masama ang pakiramdam, hindi nakarating," sabi ni Tatay Edmar.
Ayon pa sa ama ng bata, labis din siyang naawa sa anak nang mapanood ang video.
"Siyempre nalulungkot ako ma'am, siyempre naiyak din kasi malungkot talaga 'yung anak ko, walang kasama doon sa eskuwelahan," sabi ni Tatay Edmar.
Sa kabila ng nangyari, naunawaan naman daw ng anak na kailangan niyang magdoble-kayod para may maipangtustos sa kanilang pamilya.
"Humihingi ako ng pasensiya sa anak ko. Naintindihan niya iyon kasi alam niya naman na mahal ko siya. Humihingi talaga ako ng dispensa sa kaniya," sabi ni Tatay Edmar.
Nagbigay din si Tatay Edmar ng mensahe para kay Teacher Charlotte na tumayong magulang ng kaniyang anak.
"Na-contact po ako ni Ma'am Charlotte. Nag-usap na kami. Nagpapasalamat talaga ako sa kaniya kasi andiyan siya. Maraming maraming salamat talaga ma'am Charlotte Mallo-Castro," sabi ni Tatay Edmer.
Matapos ang pangyayari, lalong napagtanto ni Ma'am Charlotte ang mahalagang papel nilang mga guro.
"Na-realize ko na ganu'ng pala talaga ka-touching 'yung mga guro, na hindi puwedeng hindi ka magbibigay ng part of yourself to your children, to your pupils. Hindi 'yung trabaho lang, pupunta sa school para magtrabaho lang," sabi niya. -- FRJ, GMA Integrated News